gabi, mag-aalas-onse, nag-iisa nakahiga na sa mahabang sofa at pilit ipinipikit ang mga matang nasanay nang nakadilat sa gitna ng dilim hanggang madaling-araw
hindi pa rin makatulog gayong inubos na ang buong maghapon sa kababasa, kalalakad; nagpagod na't lahat para antukin, subalit tila hindi napagal ang katawa't mulat pa rin ang diwa't isipan
sabi nila may mga multo sa tinitirhan naming bahay at sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay naghihintay kami sa pagkakataong maringal silang magpapakita sa amin...
umaga, magaalas-tres, nag-iisa tumayo mula sa pagkakahiga't tiningnan ang cellphone na nagsisilbing orasan, kinuha ang aklat at sinimulang ikandado ang pinto; bumababa mula sa ikalimang palapag, naupo nagbasa kasama ang natutulog na guwardiya
hindi na makatulog pagkatapos mahimbing sa loob ng apat na oras hinihintay ang paglipas ng alas-tres; inuubos ang mga minuto sa pagbabasa, nagpapagod na't lahat para antukin muli ngunit tila matatagalan pa
sabi nila ang mga multo raw ay nagpapakita tuwing alas-tres ng umaga; na biglang titigil ang oras at mag-aamoy sunog sa bahay, at sa mga araw na ginawa ng Diyos na nag-iisa ako ay wala na akong ginawa kung hindi maghintay sa pagkakataong iyon...
dahil hindi ko maaming takot akong mag-isa
a cup of cold water mixed with a drop of cold blood