Ang masasabi ko lang tungkol sa bagong template ng ating blog: ASTIG. Bagay naman pala ang kulay berde at puti, at hindi siya gaanong masakit sa mata. Ok lang naman tingnan ang ating blog gamit ang Mozilla (maganda rin naman ang kinalabasan, pero susubukan ko ring tingnan sa Internet Explorer). Magaling ang pagkakagawa, mahusay.
Sa mga nagdaang araw, nakakatuwa na may mga nagkukuwento na ulit sa ating blog, at ang masaya niyan, tila balik ulit sa dati, at kung hindi balik sa dati, alam naman natin kung sino iyong nagsusulat dahil sa ilang mga senyales. Tulad na lamang kapag medyo galit na galit iyong pagkakasulat at pamilyar sa atin ang galit na iyon (magandang hapon, Jade), o kaya may isang generic na linya na ginagamit sa katapusan ng post (magandang hapon sa akin).
Masaya at may nagkukuwento na ulit dito sa ating blog. Pakiusap lang sa iba pang nagkukuwento: magpakilala naman kayo, lalo na kung medyo nagdadrama na kayo riyan dahil sa kung anong problema na hindi namin alam. Kasi, kung madrama na iyong isinusulat ninyo, tapos hindi pa kayo magpapakilala, eh papaano mawawala iyang kadramahan ng buhay ninyo? Ang dating kasi, parang ayaw ninyo ng tulong; parang gusto niyo lang na isigaw iyong problema ninyo at manatili na lamang na nagmumukmok sa isang tabi at ayaw makipag-usap o mahawakan man lamang. Kaya nga siguro mayroon tayong blog dahil nais nating malaman ang mga nangyayari sa bawat isa sa atin (maganda man o hindi), at nang sa ganoon, matulungan natin ang isa't isa.
Sa tuwing may nagsusulat ng kung anong kadramahan na hindi man lamang nagpapakilala, tila ayaw magpatulong ng taong iyon dahil una sa lahat, ayaw niyang magpakilala. Eh papaano tayo uusad niyan? Dahil isigaw mo man ang problema mo, anong magagawa namin kung hindi naman namin alam na ikaw pala iyon? Gusto mong magbahagi ng problema (at maraming salamat at sa amin mo ibinabahagi ang iyong suliranin) pero ayaw mong magpatulong; papaano tayo uusad niyan?
Kaya nga siguro iba tayo sa iba; lagi tayong handang sumaklolo, lalo na kung talagang kailangan. Kaya ginawa siguro ang blog na ito upang matulungan natin ang isa't isa (kahit moral support lamang, ok na). Sa hindi pagpapakilala naipapakita ang kaayawang magpatulong; basta maisulat lang ang hinaing, puwede na. At wala namang masama sa ganitong gawain dahil sa ganitong paraan hindi napapalaki ang problema. Iyon nga lang, kapag naisulat na sa blog na ito, kasangkot na lahat ng dumadalaw (at hindi), dahil hindi iisang tao lamang ang may-ari nito; ang pamilyang Moseley ang may-ari nito.
Pakitandaan: sa pagsusulat ng kahit ano (problema man iyan o magandang balita), damay lahat ang kabahagi ng pamilyang ito. Isang malaking sampal sa mukha (at suntok sa sikmura) ang hindi pagpapakilala.
Maaaring sabihin na hindi na tayo katulad ng dati; iba-iba na ang ating mundo, baka nga hindi na tayo iisang pamilya. Totoo iyon; maraming pagbabago na ang dumating sa atin. Ngunit marami man ang pagbabago, hindi naman siguro magbabago ang pagkakabuklod bilang isang pamilya. Kasi, kung iisipin, kahit sa sarili nating mga pamilya makikita rin ang maraming pagbabago. Ngunit sa gitna ng mga iyon, pamilya pa rin.
Wala akong pinatatamaan kahit na sino (sa totoo lang, ako ang tinatamaan sa mga isinusulat ko, hahaha!!!). Nais ko lang ipaalala sa mga nakalimot na, na iisang pamilya pa rin naman tayo, magbago man ang takbo ng mga mundo natin (dahil wala naman tayong magagawa tungkol sa bagay na iyan). Huwag nating sayangin.
Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat.
a cup of cold water mixed with a drop of cold blood P.S. Si Gino ito, sa mga hindi pa nasasanay sa generic na linyang nasa itaas. Apat na sa wishlist ko iyong nakuha ko: Catcher in the Rye, Mere Christianity, Les Miserables (unabridged), at Chronicles of Narnia (hindi pa bayad, Php1150 ang presyo, hahaha!!!). Salamat din nga pala sa pag-link ng walang kuwentang blog ko, hehehe!!!