May nagsabi sa akin, kilala niya kung sino siya, na hihintayin niya ang pagbabalik ko sa piling ng Moshies. Sa pagbasa ko nito (oo, nabasa at hindi narinig) ay walang bahid ng pagkabigla man o pagtataka ang dumapo sa aking puso't gunita. Oo nga pala, kay tagal ko nang nananahimik sa aking lungga, ilang pagkakataon na rin ang pinalagpas ko, ilang buwan na rin ang pinalipad ko, at ilang puso na rin ang pinagtaguan ko. Ngunit sa aking muling pagninilay sa mga nagaganap ngayon sa aking buhay kaugnay sa buhay nating 32, aking natantong hindi hindi ako nawala. Nakakatawa mang isipin, hinding hindi ko masasabing ako'y nawala. 'Ni kailan ma'y 'di ako lumisan sa tabi ng bawat isa sa 31 kaluluwang itinuring kong kapamilya. Ngunit kung gayon, ano nga ba ang maitatawag ko sa mga kakulangan ko sa mga taong naging ganap nang bahagi ng aking buhay?
Pananahimik.
Parang isang tigreng mabangis na naghihintay ng makakain, ako'y nananahimik. At tulad din ng tigreng ito, ako'y nagugutom. Ako'y nananabik. Ako'y nangungulila. Ngunit kung gayun nga, bakit ako mananahimik? Bakit? Sapagkat ako'y nasa loob ng isang laro ng basketball. Sa ngayong ako'y tila naglaho sa balat ng mundong ibabaw na maski ang aking mga kasama sa tanang tinitirhan ay 'di ko man lamang makapiling ng kahit kaunting sandali, ako'y nananatiling bihag ng isang larong mapanikil. Bakit?
Hindi ako ang may tangan ng bola ng buhay ko. Ako ay sumasabay lamang sa pag-dribble ng bola, sumusunod sa bawat pasa, sa bawat sundot, at sa bawat tira, ng kakampi man o ng kalaban. Hindi ko hawak ang bola ng aking buhay.
At napapagod na ako. Ngunit hindi ko magagawang tumigil. Hindi ko magagawang itigil ang larong pinasukan ko. Ang pagtigil ay mangangahulugang walang katuturan ang ipinundar ko para sa larong inilalaro ko. Mawawalan ng saysay anglahat ng isinakripisyo ko, at 'di ko magagawa ang ganoon.
Kaya naman, kao'y nagkakaganito, nananahimik - tila nawawala. Ngunit sana'y huwag matuyo ang natitirang pagkilala ninyo sa isang abang tulad ko. Sapagkat darating din ang panahon, na mapapasaakin narin ang bola. Masasalat ko na rin sa wakas ang kabilugan ng aking buhay. Darating din ang panahong babasagin ko na ang katahimikan, at ang bulang nawala'y magbabalik na muli, na tila isang panaginip sa gabing madilim.