<$BlogRSDUrl$>


Best viewed using Mozilla Firefox 1.5
1024 x 768 resolution

Shoutbox



Links
Maricris
Gail
Miguel
Kath
Json
Omar
Ginel
Jessica
RC
Paulo
Jamie
Faith
Leo
Jade
Gino
Jullie
Aldrin

Archives





Thursday, January 20, 2005

HIndi mo ako kilala. Hindi talaga. At malabong-malabo na magkakilala tayo. Malabong-malabo talaga. Kasi naman, ang mundo natin ay sadyang napakalayo mula sa isa't-isa. Ika'y nakatira doon sa malayo - kung saan kasa-kasama mo ang mga taong talaga nga namang malayo sa ugali ko ngayon, mga anghel na nagkatawang tao upang ang lahat ay bantayan at pangalagaan. Malay lang natin, marahil ikaw rin ay isa sa kanila. Isang anghel na bumaba sa lupa para lang sa aming mga taong nawawalan na ng pag-asa. Hindi ko lang alam. Kahit na, ang tingin ko pa rin sa iyo ay ganoon. Isang anghel...
Nandirito lamang ako sa tabi-tabi. Tumitingin. Umoobserba. Pinagmamasdan ka. Oo, pinagmamasdan ka mula sa malayo. Pinagmamasdan ka ng pahapyaw, pasulyap at kahit kailan ay hindi padiretsong tingin. Alam mo ba kung bakit? Ako kasi hindi eh. Bakit nga ba ganoon? Parati na lang akong nasa labas. Pinipilit na sumilip sa isang butas na sinlaki lang ng karayom, binubulag ang sarili, kinakaya, iyon lang ay para makita ka kapuwang ang iyong mala-anghel na mukha. Marahil hindi ganoon ang tingin ng iba pero ganoon tumatak ang iyong imahe sa aking dalawang mata. Kung pwede nga lamang ay ikaw na lang sana ang makita ko sa buong araw eh. Sana wala nang iba. Sana ikaw lang, sa umaga, sa tanghali at sa gabi. Sana ikaw. Sana ikaw ang makasama ko habambuhay. Kasama ko.
Kaya nga naman kahit mahirap ay pinipilit ko. Pinipilit kong makasama ka o hindi kaya ay makita ka sa bawat araw na dumaraan. Sinubukan kong sumama sa iyo, gawin ang mga ginagawa mo, pag-aralan ang mga aksyon mo sa araw-araw upang maintindihan kita ng lubos. Upang magkaroon ako ng ideya kung bakit gayon na lamang ang pagtingin ko sa iyo. At kung bakit tila nanginginig ang aking buong katawan. Sinubukan ko pero wala, hindi ito gumana. Hindi tumalab. Marahil ganoon na lang talaga. Itinadhana na tingnan na lamang kita habambuhay na parang isang larawan na iginuhit ng isang pintor - mata lamang ang nakakakita ng kagandahan. O kaya ay parang isang piyesa na tanging ang tainga mo lamang ang may alam kung paano maipaliwanag sa iyo ang bawat notang dito. Siguro nga ay ganoon. Nakalaan ka, mapapasaakin ka ngunit sa pamamagitan lang ng pagtanaw sa iyo na parang isang manunuod. Siguro nga ay ganoon. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang pagtalon ng aking damdamin sa tuwing nakikita ko ang iyong anino, sa tuwing nararamdaman ko ang presensya mo sa paligid at sa tuwing nandiyan ka. Marahil iyon na nga ang sagot. Dapat maging masaya ako doon. Kahit papaano ay medyo naiintindihan ko na ang dahilan kung bakit ka nga bumaba mula doon sa lugar ng walang katapusang kasiyahan. Alam ko na ang sagot sa misteryo kaya dapat lang na matuwa ako. Natuwa ako.
Ngunit bakit ganito? Ikaw ang parati nang laman ng aking isipan. Hindi ka na maalis doon na tila pinipilit akong huwag kang kalimutan. Nakatanim na sa akin at hindi ko na maalis. Napirmi na sa akin. Tila kulang na ang araw ko kung hindi man lang kita masilayan. Para akong mababaliw kung hindi ko man lang matanaw ang iyong "silhouette" mula sa malayo. Bakit ganoon. Unti-unti'y naging parte ka ng buhay ko. At sa huli'y naging mas mahalaga ka pa kaysa sa aking puso. Na tila mawala ka lang ng pandalian ay pawang mamamatay na ako. Nararamdaman ko ito. Malakas na malakas talaga na parang lindol - inaalog ang aking buong pagkatao. Humihiyaw ng walang kapaguran. Pinilit kong tanggapin ang aking nakuhang sagot pero hindi talaga. Hindi gumana. Parang may butas pa rin sa gitna ng aking puso - isang butas na taliwas ang sinasabi, na parang bang kumokontra sa lahat ng sagot na aking naisip tungkol sa iyo. Isang butas na ang larawan mo ang gumawa. Itinusok ang isang napakatalas ng punyal sa gitna, tagos hanggang loob, sa kaloob-looban, sa kaibuturan, sa lugar na minsan lamang nabuksan, matagal na panahon na ang lumipas. Tila sa loob ng puso ko ay may lumalaban, tinutulak ako. Sinasabi sa akin na hindi, mali ang iyong sagot. Palitan mo.
Ngayon ay nalilito na tuloy ako, naliligaw, hindi na alam ang gagawin pa. Pulos mga kabaligtaran na ang aking nararamdam, parang puro kamalian. Nawawala na ako sa tamang landas, wala na iyong konkretong daan na pinipilit ko talagang sundan dati pa. Ang natira na lamang ngayon ay lupa, lupang puno ng lubak. Ilang beses na nga akong natitisod eh. Sugatan na ang aking tuhod. Nararamdaman ko ang pagdaloy ng mainit na dugo mula dito patungo sa aking mga paa at sa huli ay sa lupa kung saan sumama siya sa mga elemento. Kasama niyon ang aking nararamdaman, humahalo na sa inang kalikasan. Isinisigaw ang paghingi ko na tulong mula sa kahit sino na may oras at may kakayahan. Ngunit wala pa ring sumasagot. Ang tanging naririnig ko ay ang walang hanggang katahimikan, isang nakalulugmok na katahimik. Nakakatakot. Wala na talaga akong alam kung ano ang dapat kong gawin, kung dapat ay iwanan ko na lang ng ganyan at pagmasdan na lamang ang larawan ng isang anghel na bumaba dito kasama pa ng iba upang painitan ang mga taong matagal nang giniginaw mula sa lamig na ginawa ng ating mundo, upang tumulong sa mga nangangailangan, iligtas ang mga nasa panganib o di kaya ay gawing meron ang wala. O kung dapat ako na mismo ang gumuhit ng larawang ito - ang larawan na kung saan hindi lamang pulos puti ang itim ang makikita mo kundi isang larawan na punong-puno ng kulay, punong-puno ng kaligayahan, ng mga kulay pula, bughaw, luntian, dilaw at kahel. Magpinta ng isang makulay na larawan na kung saan ay kasama ako. May mga ngiti sa aming labi at kislap sa aming mata. Masiglang-masigla at punong-puno ng kulay. Hawak-hawak ko ang kanyang kamay habang hawak-hawak niya rin ang sa akin. Kasama siya sa lahat ng oras. Hindi na lamang iyong tao na tumitingin at nagoobserba mula sa labas at kundi ay iyong tao na kadaupang-palad niya. Iyong tao na naglalakad sa tabi niya, dumadaan sa iisang daan na lamang isang daan na ni minsan ay hindi mo kakikitaan ng sanga. Kasabay niya na tinatahak ang mga lubak na nakikita. Kasamang inaakyat ang pinakamataas na bundok o kaya'y sinisisid ang pinakamalalim na dagat. Kasama niya.
Hindi ko talaga alam, napakamang-mang ko naman kasi eh. Nahaharap ako ngayon sa isang sumasanga na daanan. Nakatayo at hindi alam kung ano ang gagawin. Pinagmamasdan lang ang iba sa kanilang mga sarili-sariling daan. Kaytagal na ay sadyang wala pa ring matinong aksyon na ginagawa. Nakatingin lang. Umaasa. Naghihintay na baka may tumulong sa kung saan. Kahit na gaano kaliit ang tulong na iyon. At sa likod niyan ay nag-aabang. Nag-aabang na sana ay dumating ka at sunduin ako mula sa lugar na ito. Ayoko na dito. Pawang nakakatakot dito eh. Ayoko kasi ang nagdedesisyon ng lubos. Kaya ayoko dito. Pero sa ngayon, wala naman talaga akong magagawa eh. Nandito pa rin ako sa harap ng sangang-daan na ito. Pero hindi na ako nakatayo. Nakaupo na lamang ako sa isang tabi. Naghihintay. Hawak ang isang maliit na larawan mo, pinagmamasdan. Sinasaulo ang bawat detalye na pwedeng makita upang makasigurado na sa pagdating mo ay makikilala agad kita. Sana lang ay dumating ka na. Medyo matagal na akong naghihintay kasi eh, sumasakit na ang likod ko sa kauupo. Siguro nga ay kailangan ko na talagang mamili sa dalawang ito. Iniisip ko lang. Marahil, isa sa mga ito ay naroon ka, naghihintay rin. At sa isa nama'y bintana naman, upang pagmasdan ka mula sa malayo. Tinitingnan ka.
Marahil ay kailangan ko na talagang pumili pero hindi muna ngayon. Maglalaan pa ako ng ilan pang panahon. Anong malay ko, baka bigla ka kasing dumating eh. Dito na lang muna ako, nakaupo. Naghihintay.
Sana nga'y naririnig mo ito. Kung nasaan ka man ay sunduin mo na sana ako. Gusto ko nang maramdaman ang init na taglay mo. Gusto ko nang hawakan ang iyong kamay. Gusto ko na makasama na kita. Kung nasaan ka man. Dumating ka na sana. Dumating ka na at isama mo ako doon sa lupain kung saan ka nagmula, kung saan malaya mong naikukumpas ang iyong mga pakpak. Anghel, isama mo na ako doon. Gusto kong makasama ka, hanggang matapos itong paglalagi ko rito.

Mariposa
by Sugarfree
Alam mo bang kanina pa ako magdamag nang nakatingin sa 'yo
'Di mo lang alam, sa gitna ng kadilimang 'di mapakali, ako’y nabighani

REFRAIN
'Di mo lang alam, inaasam
Ang panahong makapiling ka sa una't huling pagkakataon

CHORUS
Dahil dito sa mariposa ay mahirap ang nag-iisa
Dahil dito sa mariposa ako lang ata ang nag-iisa

Nagsisising matatapos ang gabing alam naman nating meron nang taning
Nagsisising gigising sa katotohanan 'di ka naman talaga akin

[Repeat REFRAIN]

Ayoko nang mag-isa

~Dahil dito sa mariposa ay mahirap ang nag-iisa

# posted by MoshiesBato @ 3:03 PM


Copyright 2003 | www.moshies.tk | Moshies Official Blogsite | Fourth Edition October 2006 |