hayaan niyo naman akong pansamantalang kumuha ng inyong oras sa pagbabasa...hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko sa pagsusulat dito matapos basahin ang kabi-kabila ninyong mga akda na sumasalamin sa iba't ibang mga emosyon...ayun.
bilang panimula, nais ko sanang batiin ang bawat isa ng isang maligayang araw ng pagtatapos. alam ko, malungkot/nakakatakot/di kapanipaniwala ang pagdating ng okasyong ito, subalit sa gusto man natin o hindi, darating at darating na iyan. sa mga nakadarama na ng kahinaan ng loob, itinatagubilin kong tibayan ang loob [gaano man ito kahirap] at ihanda ang sarili sa mga darating pang pagsubok. kung ngayon pa lang ay magpapadala tayo masyado sa agos ng pagdadalamhati, lalo tayong mahihirapan sa mga dalang pasakit ng hinaharap, hindi ba?
makabubuti rin kung maitanim sa ating isip ang kahalagahan ng matibay na pananampalataya at malawak na pag-unawa. marami pa tayong mga makakasalamuha sa sati-sarili nating mga pamantasan/dalubhasaan. mahalaga kung patuloy naying bubuksan ang ating mga isip sa pagtanggap at muling pag-ayon sa ating magiging bagong kapiligiran, at mga bagong kaibigan.
ukol naman sa pag-aaral, nais ko lamang sabihin na sana'y ipagpatuloy natin ang ating mga nasimulang tagumpay sa mppm[masci]. maganda ang kinabukasang nag-aabang para sa bawat isa sa atin, subalit atin lamang maisasakatuparan ang hinaharap na ito kung ang ating angking mga talento ay daragdagan pa ng pagsisikap at pagtitika. hindi ito madali, dahil nga sa maraming tuksong nasa paligid, pero kaya natin ito.
isang pagbati nga pala sa ating lahat sa ating pagkapanalo sa paligsahan ng mga dula sa el filibusterismo!
hanggang dito na lang muna siguro. salamat sa iyong panahon, ginigiliw na mambabasa. sa susunod!
manahan nawang patuloy ang kabutihan sa ating lahat.
kayo'y sumasaakin lagi,
[ang nag-iisa't walang katulad]
paulo jose m.
pahabol sulat: json, hindi sayang utak mo. [pinapatawad ko na ang nagsabi nito.] may plano ang Diyos para sa iyo at para sa ating lahat. sadyang maalam at mahiwaga ang mga balakin ng Panginoon, kaya't kung hindi mo maintindihan ang kanyang nais sa iyong buhay, magtiwala ka sa kanyang puso. [if you don't see his plan, and you can't understand, TRUST HIS HEART. -- hango mula sa isang kantang Kristiyano na hindi ko maalala ang pamagat]. wala rin, sa aking palagay, na tatawa sa iyong problema sa pag-ibig.
ikalawang pahabol: sa mga nais pang mapalapit at mapabilang sa mga katoto ng tambalang CHORDATES [paulo m. at omar c. sa mga hindi nakakaalam], gamitin ang email address na ito: chordates_forever@yahoo.com. lahat rin ng mga papuri/reklamo/suhestiyon/pagtatapat ng pag-ibig o kasuklaman [maging anumang pabatid kay paulo at omar] ay tinatanggap ng email na ito. magkakamit ng matatamis na sagot ang mga napiling mensahe
[maghintay mula isang araw hanggang isang buwan bunga ng mga kaibahan sa talatakdaan.]
[hindi tumatanggap ng anumang bagay na kahina-hinala o nakapipinsala sa iba (pisikal o hindi).]
"two roads diverged in a wood, and i- i took the one less traveled by, and that has made all the difference."
-robert frost, poet